Kuwentong Bus: Lakbay Diwa ng Isang CD Worker

Prologue: Matapos magkolehiyo, ako’y naging isang community development worker. Narito ang isang eksenang naisulat ko (PATMOS/Vol16/No1/April2001) noong ako’y nagsisimula pa lamang, base sa isang di malilimutang biyahe. Tara sama ka, pwedeng sumabit. 

[Circa 1999]

Nagdalawang isip ako kung sasakay sa bus na ito. Bukod kasi sa luma at nababakbak ang pintura, pagtigil nito sa harapan ko’y daig pa ang aming lumang bentilador — kakarag-karag and tunog. A, subalit wala nang panahon para maging banidosa. Alas nuebe na, at inaasahan ako sa baryo ng alas diyes y media. Bagamat nakadilat ay halos pikit mata na akong umakyat. Naupo ako malapit sa may bintana, sa likod ng isang aleng inempake na yata ang kabahayan sa dami  ng balutan. “Aba,” naisip ko, “kung ang aleng ito ay itiniwala ang kayamanan sa kaduda-dudang sasakyan, ako pa kaya na sarili lamang ang iisipin?”

Umandar na ang bus. Kasabay ng kanyang takbo ay ang pag-imbulo ng makina ng utak ko. Bakit nga ba ako nag-aalangan? Siguro’y naghahanap lang ako ng kabuluhan sa mga bago o kakaibang karanasan na dumarating. Kagaya nitong pagpunta ko ngayon sa komunidad. Darating ako, isang nene, halos kaga-graduate pa lang, at bagong salta. Para turuan sila tungkol sa pag-unlad? Ano ba ang malay ng isang tulad kong bubot sa karanasan?

Paraaa!!!”

Bog! Aray! Hindi ko napaghandaan ang prenong iyon, a. Habang sinasalat ko ang aking noo’y bumaba mula sa likuran ang isang matandang lalaki. Halos otsentahin na siya. Bagama’t hindi siya inaakay ay dikit naman nang dikit ang isang binatilyong marahil ay kanyang apo. Para bang nagsasabing “Sakaling matapilok o manghina ka, Lolo, may sasalo sa iyo.” Lalong hindi ko napaghandaana ng eksenang ito! Bubot sa karanasan ikako? Hindi nga pala ito ang mahalaga. Age doesn’t matter, ika nga. At isa pa, hindi naman pala ako pupunta para magdala ng pag-unlad. Palalabasin lang ito sa tao. Hindi naman sila bata na walang muwang. Ang totoo niyan ay baka mas marami pa nga silang maituro. Aalalay lang ako, tulad ng batang iyon sa kanyang Lolo. Magbibigay ng motibasyon, ibang perspektibo, lakas ng loob, apog.

Subalit hindi lamang naman iyon ang aking agam-agam. Hay, kung may magsasabi lang na may patutunguhan itong gagawin ko. Na hindi ito mauuwi sa wala. Malaki rin kasi ang kaibahan ng nababasa sa nakikita. Katulad na lang ng report na ipinamana sa akin ng mga nauna sa proyekto. Maganda. Maganda ang mga figures. Isandaan at labingwalong simbahan ang narating ng training. Apat na raan at higit pang mga lider ang pinagsanay. Pitong lalawigan. Ganito pa at ganyan. Hindi ba’t maganda? Halos walang pinagkaiba sa mga graffiti sa likod ng upuan sa tapat ko. Wanted Penpal. I love you forever! 14344 Julie. 5254 Henry. Nasaan ang mga tao sa likod ng mga nakasulat na ito? Anong pangyayari ang nagbibigay-buhay sa mga numero at letra?

Lalong bumilis ang bus. Pati ang tit-blag-grag-gag na ugong sa aking sentido. Dumungaw ako para bigyan ng pahinga ang aking pagmumuni-muni. Baka sakaling pagmasid ko ng sariwang tanawin ay malangisan ang makinang nasa pagitan ng dalawa kong tainga. Ay! Muntik ko nang malampasan ang eksenang iyon ng mga kalabaw! Nasa parang, nagpapakasasa sa mga damo nang walang agam-agam. Maghapon man silang mag-araro, buong araw mang maghatid ng mais sa kabayanan, hindi pa rin sila mangangambang sa dapithapon ay may damong babalikan. Katawa-tawang kabaligtaran sila  ng kanilang mga pastol, na kung minsan ay kunya-kunyaring pastol lang, dahil hindi naman sila ang tunay na may-ari ng mga kalabaw. Oo nga, sila pala ang mga tao sa likod ng mga titik at bilang. Sila at marami pa …

ang pastol na may sarili nang kalabaw;

ang magsasakang mas marami nang nabibiling abono;

ang mangingisdang nadagdagan ang kita;

ang mamang ngayo’y may tiwala na sa Diyos;

ang lingkod ng simbahang ngayo’y llingkod na rin ng pamayanan;

ang lalaking hindi na nambubugbog ng asawa;

at ang babaing hindi na nagpapabugbog;

ang aleng hindi na nag-aalangang maging lider sa organisasyon;

Madam, puto ho. Pasalubong. Pamatid gutom. Nagadayo pay ti Zambales! At ang maglalakong nadagdagan ang puhunan, gaya ng tinderang ito. Nasa stop-over na pala kami. Bakit nga ba hindi ko napansin samantalang iba na ang ingay? Sa malamig, Zesto! Balut po, manong! Dee-yareee-o! Yung mga gustong mag-CR! Mga yabag na sa bus ay akyat-panaog. Hindi ho ako sa Zambales, manang, pero pabili na rin niyang puto ninyo, sabi ko. Nakakagutom magbiyahe lalo na’t dalawa ang sabay na naglalakbay: katawan at isip. Mabuti nga yung una at alam ang patutunguhan. Yung huli kaya, ano ang tinutumbok?

Nginuya ng utak ko ang tanong na ito sa nalalabi pang treinta minuto ng byahe ko. Mabuti na lang at mga naglalaro sa aking diwa’y kasinglambot  na ngayon ng puto. Nguya, nguya lang ng nguya, giling nang giling sabay sa bus na takbo naman ng takbo. Hanggang sa malunok ng aking kalooban ang mga pinong kasagutan sa aking mga tanong.

Umalog-alog, pakaliwa, pagkatapos ay pakanan, kaming mga pasahero. A, malapit na ako sa aking bababaan, isip-isip ko. Nasa mga kurbadang daan na kasi kami, malapit na sa paanan ng bundok. Ang sarap umalon-alon sa upuan lalo na’t alam kong panandalian na lamang ang parteng ito. Makakarating na ako. Mantakin mo, kanina lamang ay pinagdududahan ko ang sasakyang ito. Ngayon, aba’y parang mahirap nang umalis sa aking pagkakaupo. Gaya rin ng aking mga alinlangang  nauwi sa katiyakan. Laking pasasalamat!

Natatanaw ko na ang paradahan ng mga bangka. Tatanungin ko na naman ba kung maitatawid ako ng mga ito sa ibayo? Hindi na siguro. Ngayon, buo na ang loob at isip ko. Pupunta ako dahil pwede akong umalalay sa lipunang pinanghihinaan ng loob. Hahayo sa tao dahil kailangan namin ang isa’t isa. Kung sabagay, pare-pareho lang naman kaming naglalakbay. Patungo, kahit papaano, sa pagpapabuti ng buhay.

Paraaa!!!

Advertisements

2 Comments

Add yours →

  1. Maganda ang pagkakahabi ng iyong kuwento. Salamat sa paalalang kahit kakarag-karag ay makakaabot din sa patutunguhan. Wala sa ating sinasakyan, kundi nasa ating determinasyon ang katiyakan kung tayo ay makakarating sa ating paroroonan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: