Tatay, Nanay, a.k.a. Chaperones for Life.

Noon: May nakasabay kami sa jeep, nag-uusap tungkol sa mangyayaring mall tour ng Mulawin casts. Di mapigilang  mapatanong ang limang-taong gulang na si Wiwo. Saan po yun? Sa Ever Gotesco ika ng ale. “Pa, Ma, puntahan natin yun ha! Gusto kong makita sina Alwina at Aguiluz at Gabriel!” (Oo naman kami, siyempre. May audience e, lahat ng kasabay namin sa jeep di ba!)

Alam na ang kasunod na eksena. Araw-araw na pagpapaalala mula sa munting fan — alamin kung saan ang Ever Gotesco. Tandaan kung kelan ang petsa. Punta tayo! Yey! Eksayted na ako! Bilang mga magulang na sunud-sunuran … este .. na sumusunod sa aming ipinangako, tunay ngang inalam paano mag-commute pa-Ever Gotesco, mula sa Project 6. Ganun din, pinagpaliban lahat ng gagawin sa araw ng Sabado — kailangang salubungin ang pagdapo ng mga Mulawin!

Yun na, nagsimula ang aming pagiging concert chaperone sa munting prinsesa. Kakaiba ang ngiti, manghang-mangha sa mga nasa entablado — at pipila pa talaga sa CD signing! Sayang nga lang at pinutol na ang linya ng malapit na siya … isang dipa na lamang at abot-kamay na ang mga nilalang na ito. Pero maano ba, at least narining namin silang kumanta (o tumula sa kaso ni Alwina, hahaha okrayin talaga?). Ke gagandang mga bata, ng mga artistang ito.

Pero sa mata  ni Wiwo sila ay mga karakter na nakita nya sa totoong buhay. Bakit wala na silang pakpak? A, kasi tinanggal na yung ugatpak. Bakit di natin sila nakitang bumaba mula sa paglipad? Siguro sa likod sila dumaan. Maaatim mo bang sirain ang pangangarap ng batang ito? Ang sarap gumana ng malikhain niyang pag-iisip — hayaan lang itong managinip!

Maningning ang mga mata ni Wiwo sa bawat sandali ng oras na yon. Di alintana ang pagpila, o ang mahabang biyahe. Di ko alam kung dahil lang talaga sa mga taong-ibon. Sa loob-loob ko, sana ay dahil din kasama niya sa masayang alaala na ito kaming mga magulang niya. Na ang tanging hangad ay makita siyang masaya. At malaman niyang tumutupad kami sa pangako.

Kamakailan: Christina Grimmie concert — kay bilis ng panahon. Matapos ang 15 taon, heto ulit, eksenang concert — kung noon ay papuntang North, pa-South naman ang ruta — sa Glorietta, para sa concert ng youtube sensation at The Voice top 3 finalist na pop singer  ito. Dating gawi, chaperone ulit kami, pero pagdating sa concert grounds, iba na ang eksena.

Kami ni PapaRoms ay sa itaas ng mall na nanood. Mangyari, wala naman kaming ticket. 😜 At iba na din talaga ang role namin. Hindi na kami ang ka-tilian o katabi sa kinauupuan (o kinatatayuan in this case). Kami na ang tagahatid  ng pagkain sa pila, taga-scout ng pinakamalapit na CR, at taga-picture ng bird’s eyeview angle (siyempre yun lang naman ang view na meron kami). Habang si Wiwo, nasa loob ng concert grounds kasama ang kababata na aking pinsan.

Kay sayang manood ng concert ng isang napakalayo sa aming edad o kapanahunan, sa lugar na may distansyang malayo din sa entablado niyang ginagalawan. Ganyan na nga kasi dapat ang lagay namin sa buhay ngayon, bilang magulang — umaalalay pero dumidistansya. Nakabitaw pero abot-tanaw. Nasa tabi lang nakaantabay kung may pangangailangan.

Meanwhile, enjoy  naman kaming nakikinuod at nakikipicture din. May sariling agenda si papaRoms — magshoot pang-entry sa kanilang camera club. Ako naman — puwes wala lang, masaya lang makalabas kasama ang mag-ama sa dulo ng napakabising linggo na nagdaan. Siyempre moral (at logistic) support din sa mga dalagang fans. (Nga pala, kasama sa back story, ay ang ever-supportive din na ninang. Dahil sa kanya ay nagkaroon ng libreng ticket sina Wiwo).

Chaperone, alalay, bantay. Kaya kong gawin ito habambuhay. Alang-alang sa minamahal, at hindi lamang sa kanyang kapakanan, kundi para din sa aking kaligayahan.

NgayonHabang sinusulat ko ito, nasa stage (estado, hindi entablado) na tayo ng no chaperone zone. Hanggang bahay na lang kami. Pa, ma, nood ako noon, nood ako nito. Huwag magkakamaling magtanong ng pwede kami sumama? Mahal na ama at ina, heto po ang balita: ang mulawin ay kailangan nang paliparin.

Pero maniwala ka, ang mga chaperones, stand-by pa din.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: